Biyernes, Marso 8, 2013



“Barya, Gaano kahalaga”
Written By: Mae Dizon

Hanggang saan ang kayang gawin ng barya mo? Gaano nga ba kahalaga ng barya sa buhay ng tao?
Malamang sa malamang, nasangkot ka na sa isa sa mga eksesnang ito (o baka nga sa lahat pa):
• Umagang-umaga, sumakay ka ng jeep pero huli na nang malaman mong P100 ang pinakamaliit mong halaga. Ibabayad mo. Wala syang barya, wala kang barya. Thank you na lang ba? Halaga ng barya: 3/5
• Hindi nagkasundo ang merienda mong mani at mangga. Wala ka sa bahay, wala kang tissue. Laking saya mo ng makita mong may tissue vendo sa pinasukan mong CR. P5 for a pack. Agad kang dumukot sa ‘yong bulsa… wala kang barya. Patay na. Halaga ng barya: 5/5
• Kailangan mong tumawag sa bahay dahil naiwan mo ang cell phone mo. Ayan, may pay phone. Please insert coin. Wala na namang barya. Ayawan na. Halaga ng barya: 2/5
Ilan lang ito sa mga suliraning nag-uugat sa kawalan ng barya ng isang tao sa ilang pagkakataon. Ngunit paano na kung ang problemang ito ay maging problemang nasyonal? Ano ang magiging epekto nito sa ekonomiya? Sa pag-unland? Sa pangkalahatan? Sa halos 2 milyong bilang nga mga pulubing umaasa sa barya?
Pero teka, bakit nga ba may barya? Ginawa nga lang ba ito upang magamit sa paglalaro ng cara y cruz? Pamalit sa nawawalang piyesa ng chess? Pampaliit ng bukol? Pang-alog pagpatak ng Bagong Taon?
Ang barya ay naimbento noong 700 BC (galing sa Wikipedia) dahil sa pangangailangan ng mga tao sa isang instrumento para sa pangangalakal. Ito’y nagsisilbing panumbas sa mga matatanggap na produkto at serbisyo. Ngayon, ang silbi nito ay ganoon pa rin ngunit nagtataglay na lamang ng mas maliit na mga halaga. Sa madaling salita, isa itong mahalagang elemento upang dumaloy ang industriya ng kalakaran.
Ngayon, kung mauubos o bababa ang bilang nito mula sa pangkaraniwan, magkakaroon ng abnormalidad sa pag-ikot ng pera—kung hindi pagkaparalisa—sa ating bansa.

Hihina ang ekonomiya. ‘Pag humina ang ekonomiya, babagal ang pag-unlad. Apektado ang lahat.
Kaya ganoon na lang ang pagpapatupad ng mga hakbang upang maiwasan ang pagtigil ng pagsirkula ng barya sa bansa. AngBanko Sentral ng Pilipinas ay laging pinakikiusapan ang mga tao na ‘wag itago ang mga barya sa alkansya sa mahabang panahon. Nilalaban din ng gobyerno ang mga coin smugglers na tone-tonelada kung maglabas ng barya sa bansa.

Hindi malayong umunlad ang bansa nang isang hakbang kung ang isang problema tulad ng sa barya ay matutugunan. At sa pagsagot ng problemang ito, magsimula tayo sa takot. Personal na takot. Takot na baka dumating ang araw na hindi na tayo masuklian sa jeep, o makabili ng tissue sa oras ng tawag ni Inang Kalikasan, o makatawag sa isang teleponong bayaran.

1 komento: